Saturday, February 19, 2011

Salamat sa mga alaala.

Papalapit na ang araw na pinakahihintay ng aking mga magulang, ang aking pagtatapos sa mataas na paaralan. Hindi ko maintindihan kung bakit nila ako gusto ng makapagtapos gayong alam nila kung gaano ako kasaya dito. Bahagya akong natutuwa at nanabik sa aking pagtatapos sapagkat bagong hamon nanaman ito sa aking buhay, ngunit ako ay sobrang nalulungkot dahil maiiwan ko na ang mga taong tinuring kong kapamilya.

Ilang buwan na lamang ang natitira bago ako magtapos. Sinsulit ko bawat minuto na nasa paaralan ako. Bawat segundo ay mahalaga lalo na kapag kasama ko ang aking mga kaibigan at mga guro. Magiging masakit ang magpaalam sa lahat sapagkat lahat kayo ay napalapit na sa akin. Tinuring ko na kayo na parang mga kapatid. Sa mga oras na kailangan ko kayo, hindi ninyo ako binigo. Kaya naman nais kong pasalamatan ang mga taong ito.

Unang- una, nais kong pasalamatan ang Panginoon. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko makikilala ang mga taong bubuo ng aking pagkatao. Kung hindi dahil sa kanya, wala sana ako sa kalagayan ko ngayon. Maraming Salamat po! 

Nais ko ring pasalamatan ang aking mga magulang at mga kapatid. Sila ang mga taong hindi ako iniwan sa kahit anong panahon. Sila ang mga naging inspirasyon ko upang mag- aral ng mabuti. Humihingi rin ako ng patawad sa mga pagkakataon na inuuna ko ang aking mga kaibigan at sa lahat ng aking pagkukulang.

Pangalawa ay nais kong pasalamatan ang aking mga guro na itinuring ko na parang mga magulang. Sila ang mga taong nagsilbing gabay tuwing nasa loob ako ng paaralan. Nagpapasalamat ako sa lahat ng itinuro ninyo sa akin, sa mga bagay na nagsilbing inspirasyon, sa mga salitang nagsilbing leksyon at sa mga alaalang hindi ko makakalimutan..

Sumunod ay ang aking mga kaibigan. Salamat sainyo. Salamat sa mga alaalang babaunin ko hanggang sa aking pagtanda. Sa mga masasayang panahon na tayo ay magkakasama, hindi ko ito makakalimutan. Salamat dahil hindi niyo ako pinabayaan sa mga panahong kailangan ko kayo.

Maraming salamat sainyo! Kung hindi dahil sainyo, hindi magiging masaya ang pananatili ko sa loob ng Ann Arbor Montessori. Magiging mahirap at masakit ang magpaalam sainyo sapagkat nakasama ko na kayo sa loob ng mahigit kumulang sampung taon. Kaya naman, hindi ako magpapaalam. Alam kong magkikita pa tayo. Siguro nga ay pinapalakas ko lang ang loob ko, ngunit may mga bagay na kailangan tanggapin. Hindi ko kayo iiwan sapagkat ako ay hahakbang lamang patungo sa magandang kinabukasan. Kayo ay mananatili sa aking puso kasama ang mga alaalang nabuo kasama kayo.

Saturday, February 12, 2011

Salamat sainyo ! :)

Sa pag- aaral ko ng mahigit 10 taon, may mga guro na nangibabaw sa iba. Yung mga gurong iyon, sila ang mga hindi ko makakalimutan. Naging isa sila sa mga inspirasyon ko para mag- aral.

Ngayon ay nagtuturo na siya sa CASA. :)
Unahin natin ang pinakakinatatakutan ko noong ako ay nasa mababang paaralan pa lamang. Ikalawang baitang pa lamang ako noon, bagong lipat ako sa Ann Arbor, wala akong kilala at wala akong kausap. Adviser ko siya ngunit siya rin ang pinakakinatatakutan ko, si Teacher Amy. Naalala ko pa noong mga panahong iyon, hindi ko siya kaya tingnan sa mata. Sobrang nakakatakot din siya kung magsalita. Naalala ko pa noong kailangan malinis ang aming kuko dahil titingnan niya ito, todo handa ako. Pinalinis ko 'yon sa kasama namin sa bahay. Hindi ko alam na nilagyan niya iyon ng papula o mertayulet. Sobrang napahiya ako sa klase noong hampasin niya ang akin kamay gamit ang malaking ruler. Hanggang ngayon ay pinapaalala pa rin sa akin ni Pau 'yon. Isa pang pangyayari na talaga namang naging dahilan kung bakit ako takot na takot sa kanya ay noong pinagalitan niya ako ng sobra. Sa totoo lang, hindi naman talaga ako ang pinagalitan niya. Ganito kasi ang nangyari.. May pinapagalitan siyang isang estudyante, eh saktong dumating yung pinapadala kong litrato para sa achiever's corner. Tumayo ako at nagsabi ng "excuse me", talagang sinabi ko 'yon kaso hindi niya narinig. Lumabas ako at kinuha ito, pagpasok ko ay bigla akong pinagalitan. Hindi man lang raw ako nag sabi ng "excuse me", hindi ako makapagsalita sa sobrang takot at umiyak na lamang ako. Ganyan ko kinatatakutan si Teacher Amy, hanggang ngayon nga ay natatakot pa rin ako sa kanya. Ngunit isang pangyayari ang naging dahilan kung bakit ako masipag gumawa ng mga takdang aralin. Naalala ko noong may takda kami sa kanyang subject, ang nanay ko ang gumawa nito at nahuli ako. Pinatayo ako buong klase at umiiyak lang ako. Kailangan ko pa mag- isip ng paraan upang maka- upo. Simula noon ay ako na ang gumagawa ng aking mga takda, siya ang naging dahilan kaya ako naging responsable sa mga bagay na kailangan gawin. :)

Isa pa sa mga hindi ko makakalimutang guro ay si Brother Ernie. Pangalan pa lang hindi mo na malilimutan, siya lang kasi ang guro na brother kung tawagin. Hindi ko alam kung bakit pero ganoon ang tawag namin sa kanya. Si Brother Ernie o brother kung tawagin ay isang napakahusay na guro. Isa siya sa mga tinitingala ko pagdating sa katalinuhan maliban kay Doc Ed. Hanga ako kay brother sapagkat kahit walang nakikinig sa kanya ay pinipilit pa rin niya ang magturo. Marami nga ang nagsasabi na kung sila si brother ay nagresign na sila. Tuwing subject niya na, karamihan ay nakikipagkwentuhan, ang ilan ay natutulog at mabibilang mo lang sa daliri ang mga nakikinig. Minsan ako ay natutulog na din sapagkat mahirap ang kanyang itinuturo. Ngunit madalas ay nakikinig ako, ayoko dumagdag sa mga tao na pahirap sa kanya. Alam ko ang pakiramdam na nakatayo ka sa harapan ngunit walang nakikinig sayo, masakit at nakakahiya. Para bang wala silang pakialam sa iyong mga sinasabi. Dito ako hanga kay brother, hindi siya sumusuko. Patuloy pa rin niya ginagawa ang kanyang trabaho. Hanga rin ako kay brother pagdating sa ibang larangan, katulad ng volleyball at pagsasayaw. Natutuwa ako tuwing nakikita ko brother magsayaw, hindi siya nahihiya. :)) Gusto ko rin ang personalidad ni brother, masayahin at mabait. Sinasabi ko nga sa aking sarili na sana kasingtalino ko na lang si brother. Tuwing nagtuturo siya ay napapa"wow" ako sapagkat minsan kahit isa sa kanyang sinabi ay wala akong naintindihan. Kaya kailangan ko pang magtanong upang makuha ito. Natutuwa ako dahil inuulit niya ito, minsan kasi ang ibang guro ay kapag hindi mo naintindihan sa una ay hindi niya na ito uulitin. Kay Brother Ernie ako natuto na kung gusto mong makamit ang isang bagay ay kailangan mo maghirap ng sobra upang makuha ito. Kailangan mo gawin ang lahat ng paraan upang maabot ito. Ganito ang ginagawa ko ngayon sa aking pag- aaral. Kung gusto ko talagang mabilang sa mga magtatapos ng may medalya, kailangan ko pagsikipan at paghirapan ang mga bagay.




Saturday, February 5, 2011

Anong meron sa hayskul ?

Hayskul, ito raw yung pinakamasaya sa buhay ng isang mag- aaral. Kung ako ang iyong tatanungin, marahil ito rin ang aking sasabihin. Talaga namang sa hayskul mo mararanasan ang kakaibang saya kasama ang barkada mo. Sabi nga nila simula raw ng tumungtong ako sa hayskul ay nagbago na ako. Marahil ay tama sila, ngunit hindi ako nagsisisi. Masaya ako kung ano man ang aking katauhan ngayon. 

Naranasan ko ang pinakamasayang taon ko noong ako ay nasa ika- dalawang taon ng hayskul. Oo, ito yung taon na hindi ko malilimutan sa buong buhay ko. Ito yung taon na gigising ako sa umaga at gugustuhin kong pumasok dahil makikita at makakasama ko na ang mga kaibigan ko. Wala nanaman kaming gagawin kundi tumawa ng tumawa. Ito rin yung taon kung saan wala akong inisip kundi magsaya at mag- aral. Hindi pa uso sakin ang pumasok sa isang relasyon. Marahil ay ang mga kaibigan ko ang dahilan kung bakit ako pumapasok. Kahit ganito ay naging inspirasyon ko rin sila sa aking pag- aaral. Tinulungan nila ako kapag nahihirapan ako, ganoon din naman ako sa kanila. Isa rin sa dahilan kung bakit ito ang pinakamasayang taon ko ay dahil kompleto pa kami lahat. Nandoon pa si Dustin, Ysah at Rochelle. Kung iyong tatanungin, isa sila sa mga taong pinakamalapit sa akin. Isa sila sa mga taong napagsasabihan ko ng kahit ano. Lalo na si Dustin Guzman na para ko ng kapatid. :)

Sa ika- dalawang taon ko rin naranasan na hindi maging achiever sa buong buhay ko. Noong mga panahong iyon ay iyak ako ng iyak sapagkat alam kong magagalit ang aking mga magulang, lalo na kapag nalaman nila na dahil sa conduct grade ko ito. Naalala ko pa noong sasabihin na ang mga achiever ay tinanong ako ni Darrell kung iiyak ba ako kapag hindi ako naging achiever, ngunit sinabi kong hindi at tumawa pa ako. Alam ko sa sarili ko na kabilang ako dito, siguradong sigurado ako. Natatawa na lamang ako tuwing naalala ko ito sapagkat noong hindi binanggit ang aking pangalan ay biglang tumulo ang aking luha. Umalis na lamang si Darrell sapagkat hindi niya malaman ang gagawin. :))) Naalala ko rin na sa sobrang tawa ay naiyak ako sa unang araw namin kay Sir Andrew, si Jason kasi. Kung hindi ako nagkakamali ay pinagtatawanan namin ang "pink reaction na dapat ay Violent reaction". Isa rin sa hindi ko malilimutan ay noong nagretreat kami at kailangan namin gumawa ng tower gamit ang mga straw. Hirap na hirap kami at hindi namin malaman kung ano ang dapat gawin. Ang iba ay patapos na ngunit ang samin ay hindi parin tumatayo. Ang kinalabasan ay parang duyan, talo kami ngunit masaya. Doon ko nalaman na hindi sa lahat ng oras ay pagkapanalo ang mahalaga, minsan mas mahalaga na masaya ka sa ginagawa mo.


Ilan lamang ito sa mga hindi ko makakalimutang pangyayari noong panahon na iyon. Masyado itong marami para bangitin isa- isa. Napakasaya nga balikan ng mga alalaalang ito, lalo pa at malapit na kami magtapos. Ngunit hindi ko maiwasan na malungkot dahil alam ko na hindi na ito mauulit pa. Gayon pa man, masasabi ko sa sarili ko at sa ibang tao na "The best talaga ang high school life." :)





Saturday, January 29, 2011

Sa Unang Pagkakataon..

Unang pag-ibig, kapag naririnig mo ang salitang ito, ano ba ang unang pumapasok sa isip mo? Sabi nga ni Mariah Carey sa isa niyang kanta, "Nothing can compare to your first true love." Ibig ba sabihin nito ay wala ng makakapantay sa kanya? Hindi ko alam kung paano ko ilalarawan ang pag- ibig, basta ang alam ko dadating na lang 'yan nang hindi mo inaasahan, sa tamang tao at sa tamang panahon. At kapag dumating yan,  doon mo pa lamang mararamdaman kung gaano kasaya at kasakit ang umibig, lalo na sa unang pagkakataon.




Palaging nag- aasaran, dyan kami nagsimula hanggang sa naging kami. Sa kanya ko unang naramdaman yung ganoong pakiramdam. Hindi ko mapaliwanag kung bakit mahal ko siya, basta naramdaman ko na lang iyon. Masarap magmahal lalo na kung yung taong minamahal mo ay mahal ka rin. Masaya gumising sa umaga kasi alam mong may taong nag- iintay sa'yo. Masarap sa pakiramdam na alam mong may matatakbuhan ka. Masaya yung pakiramdam na nagagawa mo lahat kasama siya. Masaya ang umibig- ngunit kung gaano ito kasaya ay ganoon din ito kasakit.                                                    
                    
Walong buwan, akala ko ay magtatagal kami ng taon pero mali ako. Alam kong lahat ng bagay ay napapalitan ngunit hindi ko akalaing ganoon kabilis. Noong mga panahon na iyon ako natuto na may mga bagay na kailangan natin tanggapin kahit gaano kahirap. Tumagal din ng halos kalahating taon bago ako tuluyang nakalimot. Sabi rin nila, "Love is better the second time around." ngunit hindi ako naniniwala dito. Bumalik siya at akala ko ay magiging maayos na ang lahat pero hindi. Pinaasa niya lang ako. Pinangako ko sa sarili ko na hinding hindi na ako babalik sa kanya. Pero may mga bagay talaga na kahit ilang beses natin sabihin ay hindi ito ginagawa.  Kahit na nasaktan ako, pinili ko pa ring mahalin siya ulit. Ganoon siguro pag mahal mo talaga yung isang tao.

Sabi nga nila may mga bagay daw na babalik at babalikan mo, isa na siguro doon yung first love mo... Oo, siguro ay isa siya sa mga taong hindi mo malilimutan. Gayon pa man, sa tingin ko ay dadating ang panahon na hindi na siya magiging ganoon ka-espesyal katulad ng dati. Bakit? Siguro ay lumipas na ang napakahabang panahon, siguro ay nahanap mo na yung taong para sayo talaga o kaya ay kontento ka na, kasama ang mga taong nagpapasaya sa iyo. :-) :-)



Saturday, January 22, 2011

Ganoon ba talaga ako ka"excited" para sa prom? :)

Ilang linggo na lamang ang natitira at Prom na. Nagsimula na kami magensayo at mas lalo lamang ako nanabik dahil dito. Bata pa lamang kasi ako ay nais ko na makadalo sa isang pagdiriwang na katulad ng Prom. Hindi ko alam kung bakit ganito ang pagpapahalaga ko dito. Madami na rin ang nagtanong kung bakit masyado ko ito inaabala. Sa totoo lang, mula pagkabata ko ay nais ko makadalo sa tatlong malalaking pagdiriwang, ang prom, debut at kasal. Iyon siguro ang dahilan. :) Nakapag patahi na ako ng aking gown at nakabili na rin ako ng sapatos. Natutuwa ako dahil hindi ako tinipid ng mga magulang ko.. :) Kaya lang, pinoproblema ko ngayon kung paano ako magsasayaw, hindi naman ako naka cocktail dress kaya baka mahirapan ako at maapakan ko ang damit ko, pero bahala na. Gusto ko sana ipakita kung ano ang itsura ng magiging gown ko pero surprise na lang iyon! (Hindi ko parin kasi ito nakikita :)) ) 

Natutuwa rin ako kasi may prom date ako. Nagulat ako noong nakita ko si Eric na may hawak ng mic at nasa stage. Akala ko noong una ay magdadasal siya. Nagulat na lang ako ng bigla niyang sinabing "Angel, Angel", na parang hinahanap niya ako. Noong nakita niya ako ay tinanong niya ako na maging date. Sa sobrang gulat ko ay hindi ako nakapag salita, ang daming tao rin ang sumisigaw noong panahon na iyon. Syempre natuwa ako sa kanyang ginawa kaya pumayag na rin ako. Tska sweet naman talaga yung ginawa niya, siguro para sa akin. ( Alam ko Sir Yuan may sasabihin ka nanaman dito hahaha ) Isa pang dahilan kung bakit ako pumayag kasi komportable ako pag si Eric yung date ko, parang hindi ako nahihiya pag kasama ko siya. Ayoko kasi magkaroon ng partner na hindi ko masyado close. Kailan ko lang din naisip na mas mabuti kung meron kang partner o date kasi naisip ko na habang ang mga kaibigan ko ay nakikipagsayaw sa kanilang date ay nakaupo lang ako. 'Di ba ang loner naman ng dating noon. :)) Nasasabik na rin ako makita kung ano ang magiging itsura noong lugar kung saan gaganapin. Sana naman ay gandahan nila. :) 

Iyan lang muna para sa araw na ito ! Sana ay natuwa kayo sa inyong pagbabasa. Abangan ang aking susunod ng blog, salamat ! ;)

* Hindi ko na ito nilagyan ng litrato sapagkat wala akong mahanap na babagay dito. Ayoko naman ipilit yung iba :) *

Monday, January 17, 2011

Wow.

Hala. wala akong magets. Try ko lang mag post, para next time alam ko na mga gagawin. :)


Yesss nmon, may picture pa. :)) Kbye ;)