Saturday, February 12, 2011

Salamat sainyo ! :)

Sa pag- aaral ko ng mahigit 10 taon, may mga guro na nangibabaw sa iba. Yung mga gurong iyon, sila ang mga hindi ko makakalimutan. Naging isa sila sa mga inspirasyon ko para mag- aral.

Ngayon ay nagtuturo na siya sa CASA. :)
Unahin natin ang pinakakinatatakutan ko noong ako ay nasa mababang paaralan pa lamang. Ikalawang baitang pa lamang ako noon, bagong lipat ako sa Ann Arbor, wala akong kilala at wala akong kausap. Adviser ko siya ngunit siya rin ang pinakakinatatakutan ko, si Teacher Amy. Naalala ko pa noong mga panahong iyon, hindi ko siya kaya tingnan sa mata. Sobrang nakakatakot din siya kung magsalita. Naalala ko pa noong kailangan malinis ang aming kuko dahil titingnan niya ito, todo handa ako. Pinalinis ko 'yon sa kasama namin sa bahay. Hindi ko alam na nilagyan niya iyon ng papula o mertayulet. Sobrang napahiya ako sa klase noong hampasin niya ang akin kamay gamit ang malaking ruler. Hanggang ngayon ay pinapaalala pa rin sa akin ni Pau 'yon. Isa pang pangyayari na talaga namang naging dahilan kung bakit ako takot na takot sa kanya ay noong pinagalitan niya ako ng sobra. Sa totoo lang, hindi naman talaga ako ang pinagalitan niya. Ganito kasi ang nangyari.. May pinapagalitan siyang isang estudyante, eh saktong dumating yung pinapadala kong litrato para sa achiever's corner. Tumayo ako at nagsabi ng "excuse me", talagang sinabi ko 'yon kaso hindi niya narinig. Lumabas ako at kinuha ito, pagpasok ko ay bigla akong pinagalitan. Hindi man lang raw ako nag sabi ng "excuse me", hindi ako makapagsalita sa sobrang takot at umiyak na lamang ako. Ganyan ko kinatatakutan si Teacher Amy, hanggang ngayon nga ay natatakot pa rin ako sa kanya. Ngunit isang pangyayari ang naging dahilan kung bakit ako masipag gumawa ng mga takdang aralin. Naalala ko noong may takda kami sa kanyang subject, ang nanay ko ang gumawa nito at nahuli ako. Pinatayo ako buong klase at umiiyak lang ako. Kailangan ko pa mag- isip ng paraan upang maka- upo. Simula noon ay ako na ang gumagawa ng aking mga takda, siya ang naging dahilan kaya ako naging responsable sa mga bagay na kailangan gawin. :)

Isa pa sa mga hindi ko makakalimutang guro ay si Brother Ernie. Pangalan pa lang hindi mo na malilimutan, siya lang kasi ang guro na brother kung tawagin. Hindi ko alam kung bakit pero ganoon ang tawag namin sa kanya. Si Brother Ernie o brother kung tawagin ay isang napakahusay na guro. Isa siya sa mga tinitingala ko pagdating sa katalinuhan maliban kay Doc Ed. Hanga ako kay brother sapagkat kahit walang nakikinig sa kanya ay pinipilit pa rin niya ang magturo. Marami nga ang nagsasabi na kung sila si brother ay nagresign na sila. Tuwing subject niya na, karamihan ay nakikipagkwentuhan, ang ilan ay natutulog at mabibilang mo lang sa daliri ang mga nakikinig. Minsan ako ay natutulog na din sapagkat mahirap ang kanyang itinuturo. Ngunit madalas ay nakikinig ako, ayoko dumagdag sa mga tao na pahirap sa kanya. Alam ko ang pakiramdam na nakatayo ka sa harapan ngunit walang nakikinig sayo, masakit at nakakahiya. Para bang wala silang pakialam sa iyong mga sinasabi. Dito ako hanga kay brother, hindi siya sumusuko. Patuloy pa rin niya ginagawa ang kanyang trabaho. Hanga rin ako kay brother pagdating sa ibang larangan, katulad ng volleyball at pagsasayaw. Natutuwa ako tuwing nakikita ko brother magsayaw, hindi siya nahihiya. :)) Gusto ko rin ang personalidad ni brother, masayahin at mabait. Sinasabi ko nga sa aking sarili na sana kasingtalino ko na lang si brother. Tuwing nagtuturo siya ay napapa"wow" ako sapagkat minsan kahit isa sa kanyang sinabi ay wala akong naintindihan. Kaya kailangan ko pang magtanong upang makuha ito. Natutuwa ako dahil inuulit niya ito, minsan kasi ang ibang guro ay kapag hindi mo naintindihan sa una ay hindi niya na ito uulitin. Kay Brother Ernie ako natuto na kung gusto mong makamit ang isang bagay ay kailangan mo maghirap ng sobra upang makuha ito. Kailangan mo gawin ang lahat ng paraan upang maabot ito. Ganito ang ginagawa ko ngayon sa aking pag- aaral. Kung gusto ko talagang mabilang sa mga magtatapos ng may medalya, kailangan ko pagsikipan at paghirapan ang mga bagay.




No comments:

Post a Comment